CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines – Dahilan lamang sa pagkairita sa nakakasilaw na headlights, napatay ang tatlong kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) habang apat pa ang nasugatan matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang nag-iisang salarin na lulan ng motorsiklo sa bayan ng Mulanay, Quezon nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ni Chief Inspector Romulo Albacea, hepe ng Mulanay Police, nakilala ang mga nasawing biktima na sina Celso Red, 28-anyos; Ronald Monterey, 28 at Jason Rodelas, 23-anyos; pawang dead-on-the-spot sa insidente sa tinamong mga tama ng bala partikular na sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa Bondoc Peninsula District Hospital sa bayan ng Catanauan ng lalawigan ang mga sugatang sina Zaldy Prado, 22; Leovino de Galicia, 44; Abraham Almero, 42 at Menardo Abella; 22-anyos; pawang mga residente ng Brgy. Pakiing sa bayan ng Mulanay.
Ayon kay Albacea, nakursunadahan lamang umano ng salarin na pagbabarilin ang mga biktima matapos ang mga itong pansamantalang huminto sa lugar para bumili ng sigarilyo sa isang sari-sari store sa Brgy. Buntayog, Mulanay bandang alas-10:30 ng gabi.
Ang mga kawani ay lulan ng Mitsubishi L-300 van (SFA 586)kung saan nairita umano ang suspek matapos masllaw sa maliwanag na ilaw ng headlights ng sasakyan kung saan galit na kinompronta nito ang mga biktima.
Ilang saglit pa ay bigla na lamang nitong binunot ang kaniyang cal. 45 pistol at walang sabi-sabing niratrat ang mga biktima. Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek na sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng bayan ng Catanauan.
Ayon pa sa opisyal, may lead na sila kung sino ang salarin na tumanggi muna nitong tukuyin habang patuloy ang isinasagawang dragnet operations laban dito.