MANILA, Philippines - Binabalot ngayon ng kidnapping scare ang mga kaanak ng mga opisyal at ahente ng pyramiding scam na nakatatanggap na rin ng pagbabanta mula sa mga desperadong biktima ng nasabing anomalya sa Mindanao.
Sa phone interview, kinumpirma ni Captain Alberto Caber, spokesman ng Army’s 1st Infantry Division sa Labangan, Zamboanga del Sur, dahil nakatakas na ang mga opisyal at maging ang ilang ahente ng Aman Futures Group Philippines Inc. ay ang mga kaanak naman ang pinagbabantaang dukutin.
Ang Aman Future Group na bumiktima ng aabot sa 15,000-katao ay tumangay ng P12 bilyon kung saan ang mga opisyal nito ay nagsitakas at ngayo’y nagtatago.
Nabatid na pinaigting pa ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar ang checkpoints upang mapigilan ang mga posibleng paglaganap ng karahasang may kinalaman sa pyramiding scam.
Kinumpirma rin sa ulat na maging ang mga naiwang kawani ng Aman Futures, mga kamag-anak ng mga opisyal at ahente nito ay nakakatanggap na rin ng pagbabanta sa buhay partikular sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Sa kasalukuyan, bagsak ang negosyo sa Pagadian City dahil halos lahat ng mga residente ay nagsipag-loan at nag-invest sa pyramiding scam sa pag-asang madodoble pa ang tubo.
Samantala, sa Marawi City, kinumpirma naman ni Army’s 103rd Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Daniel Lucero na dahil sa pyramiding scam na kinasangkutan naman ng Rasuman Group na pag-aari ni Jachob “Coco” Rasuman, anak ni ex-Public Works and Highways Undersecretary Bashir Rasuman ay apat na insidente na ng kidnapping ang naitala.
Ang Rasuman Group ay sinasabing kaalyado ng Aman Futures Group.