Sumaklolo sa hinoldap na babae, dinedo

MANILA, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang lalaking Samaritano habang sugatan naman ang kasamahan nito na sinasabing nagtangkang pigilan ang tatlong  armadong kalalakihan na naaktuhan ng mga itong nanghoholdap ng isang babae sa Baguio City noong Biyernes ng gabi.

Idineklarang patay sa Baguio General Hospital ang biktimang si Ruel Aguilar matapos na mapuruhan ng mga tama ng bala sa katawan.

Samantala,  ginagamot naman ang sugatang si Jerwin Mark Aguilar.

Sa imbestigasyon ng Baguio City PNP, bandang alas-7:30 ng gabi nang masaksihan ng mga biktima ang tatlong holdaper habang tinututukan ang babaeng si Roseline Pesiles sa nasabing lungsod.

Hindi naman inalintana ng dalawa na armado ang mga holdaper nang sumaklolo ang mga ito para pigilan ang mga suspek.

Gayon pa man, nairita ang isa sa mga holdaper at pinagbabaril ang mga biktima na duguang bumulagta habang mabilis namang nagsitakas ang mga armdaong kalalakihan.

Nagsasagawa na ng follow-up operations ang pulisya sa para masakote ang mga holdaper.

Show comments