6-anyos binoga ng 11-anyos pinsan, todas

MANILA, Philippines - Napaaga ang salubong ni kamatayan sa 6-anyos na batang lalaki makaraan itong aksidenteng mabaril ng 11-anyos na pinsang lalaki habang naglalaro sa Barangay Baug, Urbiztondo, Pangasinan noong Lunes ng umaga.

Idineklarang patay sa pagamutan ang biktimang Grade 1 pupil na si Regie Taplador matapos mabaril ng kanyang pinsang lalaki sa kaniyang mukha.

Sa phone interview, sinabi ni Pangasinan PNP director P/Senior Supt. Jose Luis Mariano Verzosa, naganap ang insidente noong Lunes ng umaga habang naglalaro ang magpinsan sa bakuran ng kanilang tahanan.

Ang suspek na isinailalim sa kustodya ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Deve­lopment ay itinago naman sa pangalang Alex, Grade VI pupil.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na naglalaro ang magpinsan sa kanilang bakuran nang mapulot ng suspek ang baril na may mga bala.

Sa pag-aakalang laruan ay itinutok at pinaputukan nito ang biktima na nasapul naman sa mukha.

Gayon pa man, ayon kay Verzosa ay itinapon ng suspek ang hindi pa natukoy na uri ng baril sa damuhan sa matinding takot matapos na duguang bumagsak ang kaniyang pinsan na tuluyang nalagutan ng hininga.

Nabatid na nawawala naman ang baril na itinapon ng suspek sa damuhan.

Sinabi ng opisyal na may pananagutan ang mga magulang ng suspek sa insidente dahil sa kabiguang mabantayan ang kanilang anak.

 

Show comments