QUEZON, Philippines – Namatay ang 15-anyos na babaeng estudyante habang nawawala naman ang kanyang kaklase na pinaniniwalaan ding nalunod matapos na tumaob ang kanilang sinasakyang bangka dahil sa malakas na agos ng ilog sa Barangay Batangan sa bayan ng General Nakar, Quezon kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawi na si Anilou Astrera, 4th year student sa Batangan National High School habang patuloy na hinahanap ng search and retrieval operation ang isa pang biktima na si Reynalyn Ebrada, 16, kapwa nakatira sa Barangay Maigang.
Ayon kay PO3 Mark Anthony Aumentado, naglayag ang bangka ng mga biktima para tumawid sa kabilang pampang na may layong 100 metro nang balyahin ng malakas na agos ng tubig-ilog pagsapit sa kalagitnaan.
Nawalan ng kontrol ang timonerong si Romeo Supremo, 47, ng Barangay Batangan kaya tuluyang lumubog.
Nagkanya-kanyang langoy ang mga sakay ng bangka upang iligtas ang kanilang sarili subalit dahil sa hindi marunong lumangoy ang dalawang estudyanteng babae ay kapwa sila nilamon ng ilog.
Nasa himpilan ng pulisya sa bayan ng General Nakar si Supremo habang iniimbestigahan.