Trader itinumba

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines  – Patay ang isang 67-anyos na negosyante makaraang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin habang nagbabantay ito sa kanilang mini grocery store sa Purok Rosal 1, Brgy. Dicarma ng lungsod na ito, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Eli Depra, hepe ng Cabanatuan City Police, ang nasawing biktima na si Adriano Lasquite , may-asawa ng nasabing lugar. Nasawi ang biktima habang isinusugod sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center sanhi ng dalawang tama ng bala ng baril na tumama sa kanyang dibdib.

Sa imbestigasyon, nabatid na bandang alas-9:30 ng gabi, habang nagbabantay sa kanilang tindahan ang biktima na nasa harap lang ng kanilang bahay, may isang lalaki na nagkunwang bibili ang biglang bumunot ng baril sabay putok nito sa biktima.

Ayon sa maybahay ng biktima, nakilalang si Aling Abella, nakarinig sila ng tatlong sunud-sunod na putok ng baril at paglabas niya ng bahay ay nakita agad ang nakalugmok na katawan ng mister nito habang ang suspek ay hindi na nila naabutan sa pinangyarihan ng krimen. Iniimbestigahan pa ang motibo ng krimen.

Show comments