Dongallo, Gajero inilusot ang UE sa UP
MANILA, Philippines — Napahirapan ang University of the East bago nakuha ang seventh place finish nang talunin nila ang University of the Philippines, 25-20, 25-22, 26-24 sa classification game ng 2024 Shakey’s Super League collegiate pre-season championship na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum kahapon.
Humugot ng puwersa ang Lady Warriors kina Casiey Dongallo at Jelai Gajero upang ilusot ang koponan sa third set matapos makipagtagisan ng galing ang Fighting Maroons.
Kumana sina Dongallo at Gajero kasama si seasoned hitter KC Cepada ng pinagsamang 20 points sa third frame para tapusin ng UE ang UP sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea, Grab Philippines, at Summit Water.
Nirehistro ni Gajero ang game-high 17 points kasama ang 11 attacks, limang blocks at isang service ace para sa Lady Warriors, nagtala naman si Dongallo ng 16 markers mula sa 15 spikes habang may 14 ang tinipa ni Cepada.
Sa set 3 napalaban ang UE matapos nilang manalo sa unang dalawang frames sa event na katuwang ang Smart Sports, PLDT Fibr, Mikasa, Asics, Rebel Sports, Eurotel, Victory Liner, Commission on Higher Education (CHED), Philippine Sports Commission (PSC), at SM Tickets bilang technical partners.
Tiyak na magagamit ng Lady Warriors ang experience na nakuha nila sa liga na sinalihan ng mga tigasing teams mula sa UAAP at NCAA.
Lumanding sa eighth place ang Fighting Maroons.
- Latest