MANILA, Philippines - Nakuha ng Tensile Strength ang unang back-to-back panalo sa taon nang manaig uli noong Martes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona Cavite.
Sa Special Class Division race sa 1,500-metro distansya ang sinalihan ng Tensile Strength at nagtagumpay uli si Dominador Borbe Jr. na maihatid ang kabayo sa panalo sa ikalawang takbo sa buwan ng Pebrero.
Hindi napahirapan ang nagwaging kabayo ng ipinataw na 58 handicap weight nang manalo sa hamon ng anim na iba pang kabayo sa pangunguna ng Life Is Beautiful na sakay ni CV Garganta at binigyan din ng 58-peso.
Napasabak na rin ang El Libertador sa unang opisyal na takbo sa taon sa pagdadala ni AR Villegas pero tumapos lamang ang tambalan sa ikatlong puwesto bago tumapos ang Market Value.
Napangatawanan ng Tensile Strength ang pagiging patok sa karera dahil walang nakakuha ng kalamangan sa naturang kabayo matapos umuna agad sa pagbubukas ng aparato ang kabayong pag-aari ni Felizardo 'Jun' Sevilla tungo sa halos 10-dipang panalo.
Balik-taya na P5.00 ang ibinigay sa win habang ang forecast na 6-5 ay na-bigyan ng P13.00 dibidendo.
Si class D jockey El Blancaflor ang siyang naghatid ng pinakadehadong panalo sa una sa dalawang araw na pista sa race track na pag-aari ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI ) matapos makapanorpresa ang kabayong Freedom Run sa 3YO and Above Maiden Division sa 1,400-metro.
Kulang na lang ng isang kabayo para mag-full gate ang karera at hindi umubra ang lakas ng napaborang Victory Class matapos ilagay ang kaba-yong hawak ni LC Lunar sa pangalawang puwesto.
Pangalawang takbo lamang ito ng Freedom Run matapos isabak sa novatos noong Pebrero 9 at nakabalikwas agad ang tambalan matapos ang pang-anim na puwestong pagtatapos sa isang 3YO and Above Maiden noong Pebrero 14 para hindi pansinin ng mga tumakbo.
Ngunit pinahanga ng Freedom Run na tumakbo kasama ang coupled entry na Panatag, ang bayang-karerista nang magbanderang tapos ito.
Tila makukuha ng Victory Class ang liderato sa huling kurbada nang nakasabay na sa Freedom Run pero mahusay ang pagkakapuwesto ni Blancaflor sa kabayo sa balya para lumayo pa sa rekta tungo sa solong pagtawid sa meta.
Ang di inasahang panalo ay nagpasok ng P146.50 habang ang 4-6 forecast ay may P407.00 dibidendo. (AT)