Lalaki sa Japan na nagngangalang ‘happy’, naging masalimuot ang buhay dahil sa kanyang pangalan!
SA halip na maging simbolo ng kasiyahan, naging dahilan ng pang-aapi at diskriminasyon ang pangalan ng isang lalaki sa Japan na si Terauchi Happy. Simula pagkabata, naranasan na niya ang pangungutya mula sa mga kaklase, at maging sa pagtanda ay hindi siya nakaligtas sa mga mapanuring mata ng lipunan.
Ayon kay Happy, pinili ng kanyang ina ang pangalan niya bilang pagpapahayag ng matinding saya sa kanyang pagsilang. Ngunit hindi niya inasahan na magiging pabigat ito sa kanyang buhay.
Sa murang edad pa lamang, itinuring na siyang kakaiba dahil sa kanyang pangalan. Lagi siyang ginagawang tampulan ng tukso, lalo na tuwing may pagdiriwang ng kaarawan dahil nababanggit ang pangalan niya sa pagbati ng “Happy Birthday”. Madalas din siyang sabihan ng “Happy ka, pero mukha kang malungkot.”
Hindi lang sa paaralan naging problema ang kanyang pangalan. Tuwing mag-aaplay siya ng trabaho, maraming kompanya ang hindi siya tinatanggap sa akalang hindi seryoso ang isinulat niyang pangalan sa resume.
Maging sa mga job interview, kinakailangan pa niyang ipakita ang kanyang ID upang patunayang totoo ang kanyang pangalan. Tanging sa sales industry lang siya nakahanap ng positibong pagtanggap, kung saan itinuring ng isang kompanya na magandang pangitain ang kanyang pangalan.
Pati ang kanyang love life ay apektado dahil sa kanyang weird na pangalan. Nang ipakilala siya ng ex-girlfriend sa pamilya nito, agad umanong napasimangot ang mukha ng mga magulang dahil sa pagkadismaya matapos marinig ang kanyang pangalan. Kalaunan, nauwi rin sa hiwalayan ang kanilang relasyon.
Sa isang panayam sa telebisyon, ibinahagi niya na bagamat nagkaroon siya ng pagkakataong palitan ang kanyang pangalan, hindi niya ito itinuloy bilang respeto sa kanyang ina na may mabuting intensiyon sa pagbibigay nito sa kanya.
Sa kasalukuyan, ang isyu ng mga weird na pangalan ay usap-usapan sa Japan. Dahil sa May 2025, ipatutupad sa Japan ang bagong batas sa Family Registration Law na may layuning bawasan ang mga sobrang weird na pangalan.
Nasasaad sa batas na kailangang isulat ng mga magulang ang furigana o tamang pagbasa ng pangalan sa birth certificate upang maiwasan ang maling interpretasyon. Hindi puwedeng basta gumawa ng bagong pagbasa sa isang pangalan. Dapat ay may lohikal na koneksiyon ito sa kanji na ginamit.
Maraming netizens ang nagpahayag ng suporta kay Happy, na nagsilbing mukha ng mga indibidwal na nakaranas ng diskriminasyon dahil lamang sa kanilang weird na pangalan.
Sa kabila ng lahat, pinili pa rin niyang yakapin ang ipinagkaloob na pangalan at ipagpatuloy ang buhay sa kabila ng mga hamong dulot ng pangalang minsang naging pabigat sa kanya.
- Latest