^

PSN Opinyon

Spamming, fake news makasisira kay Duterte

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon

PANDUDUMOG ang estilo ng ilang diehard Duterte supporters. Pero maghinay-hinay dapat sila. Napapahamak lang ang idolo nila.

Halimbawa ang pag-spam sa Facebook page ni Inter­national Criminal Court Judge Iulia Motoc. Tinadtad ito ng comments matapos arestuhin si Duterte at dalhin sa The Hague.

Karamihan ng comments ay nagsasabing palayain si Duterte. Paulit-ulit din ang mensaheng bigyan siya ng patas na pagdinig. Kesyo raw nagdulot ng sigalot sa Pilipinas si Motoc. May mga nagpaparatang na kinidnap umano si Duterte, tulad ng pahayag ng anak na Veronica Duterte at dating executive secretary Salvador Medialdea. Naba­hala si Motoc at nilimita kung sino ang maaring mag-post sa FB niya.

“Hindi ‘yan nakakatulong kay Duterte,” babala ni Assistant to the ICC Counsel Kristina Conti. “Ang wastong pagkomunika sa ICC ay pormal na liham, hindi post ng kung sinu-sino.”

Labag sa Article 70 ng Rome Statute ang pananakot sa huwes ng ICC, ani Conti. Kapag natunton na si Duterte ang pasimuno ng spamming, maaring idagdag ito sa mga kaso niya.

Sabog din sa mukha ng mga DDS ang fake news. Ehemplo ang statement of support umano ni U.S. President Donald Trump sa kanya. Pati rin ang pagsuporta sa kanya ni Pope Francis (matapos niyang tuyain nu’ng 2015 si Pope John Paul II dahil daw puro trapik sa Kamaynilaan ang dinulot).

Meron pang statement of support umano mula kay Saudi Arabia Princess Nadia Faris Khalifa, pero ang retrato ay si porn star Mia Khalifa.

Pinaka-balintuna ang pagsuporta umano ni Atty. Annalise Keating. May logo pa ng CNN ang retrato. Si Keating ay bida sa kathang isip na TV series “How to Get Away with Murder”. Masaklap na maraming pang DDS ang napapaniwala sa fake news.

RODRIGO DUTERTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest