Estrada isinalba Letran
MANILA, Philippines — Nalusatan ng Letran ang nagliliyab na laro ng San Sebastian College matapos silang akbayan ni Jimboy Estrada sa 91-89 panalo sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa San Juan Arena kahapon.
Sinalpak ni Estrada ang pinakamahalagang puntos ng laro sa krusyal na bahagi ng laban upang tulungan ang Knights na maiangat ang kanilang kartada sa 7-3 record at upuan ang solo top spot sa Group B ng team standings.
“I needed to go to my key player. Kumbaga, pinapractice naman namin ‘yon,” sabi ni coach Allen Ricardo.
Hawak ng Golden Stags ang manipis na isang-puntos na abante, wala ng isang minuto sa orasan sa payoff period, 87-86, bago ibinalik ni Aaron Buensalida ang kalamangan sa Letran, 87-88, may 38 segundo ang nalalabi.
Mula sa 89-87 abante ng Intramuros-based squad nakatabla ang Stags sa 89-all mula sa tira ni Niel Castor, may anim na segundo na lang sa orasan.
Tumungo ang Knights kay Estrada, binasa muna nito ang depensa ng Stags bago sumalaksak sabay tumira ng step-back midrange jumper - resulta, swak ang bola dahilan upang makuha nila ang panalo.
Nilista ni Estrada ang 14 puntos, anim na rebounds, at tatlong assists para sa Intramuros-based squad.
Samantala, buo ang loob na naglaro ang defending champion San Beda University sa dikdikang laban upang itakas ang 75-71 panalo laban sa Jose Rizal University.
Sinandalan ng Red Lions ang mainit na opensa ni Aldous Torculas matapos magtala ng 15 points, walong rebounds, limang assists at tatlong blocks at ilista ang 7-3 karta sa Group A ng team standings.
- Latest




















