Yulo puntirya 2 ginto sa Worlds

MANILA, Philippines — Muling pupuntirya ng dalawang gold medal si Pinoy top gymnast Carlos Yulo sa finals ng men’s floor exercise at vault events ng 2026 FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Rotterdam, Netherlands.
Unang sasalang si Yulo, kumuha ng tig-dalawang ginto sa 2024 Olympic Games sa Paris, France at sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan kamakailan, sa floor exercise finals ngayong alas-8 ng gabi.
Pumangalawa ang 26-anyos na tubong Leveriza, Manila sa pitong qualifiers sa kanyang 14.500 points sa ilalim ni Arsenii Dukhno (14.700) ng Russia.
Ang iba pang finalists ay sina Artem Dolgopyat (14.300) ng Israel, Frederick Richard (14.233) ng USA, Jake Jarman (14.133) ng Great Britain, Yahor Sharamkou (14.100) ng Bulgaria, Noam Bercovich (14.033) ng Israel at Ryosuke Doi (14.033) ng Japan.
Muling sasalang si Yulo kinabukasan para sa finals ng vault event sa alas-8 ng gabi.
Pang-anim si Yulo sa mga qualifiers sa kanyang 14.266 points sa ilalim nina Jarman (14.633), Artur Davtyan (14.633) ng Armenia, Nazar Chepurnyi (14.450) ng Ukraine, Dukhno (14.350) at Shohel Kawakami (14.283) ng Japan.
Kasama rin sa mga finalists sina Sebastian Sponevik (14.233) ng Norway at Harry Hepworth (14.216) ng Great Britain.
Wagi ng gold si Yulo sa floor exercise ng World Championships noong 2019 at sa vault noong 2021 at 2025.
Bukod kay Yulo, sumalang din sa world meet ang kanyang kapatid na si Karl Eldrew kasama sina Juancho Miguel Besana at Haylee Garcia.
Bigo sina Karl Eldrew, Besana at Garcia na makapasok sa finals.
- Latest

















