PFF pinuri katatagan ng national team sa Hyundai Cup

MANILA, Philippines — Muling binuhay ng Philippine men’s national football team ang kanilang kampanya sa 2026 ASEAN Championship-Hyundai Cup sa pamamagitan ng 4-1 tagumpay laban sa Laos sa Vientiane.

Ngunit para kay Phi­lippine Football Federation (PFF) President John Anthony Gutierrez, ang tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa iskor, kundi pati na rin sa mga paraan kung paano ito nakamit.

“We are incredibly proud of every player who answered the call to re­present our country. We believe in this team, and we support them one hundred percent—win or lose,” wika ni Gutierrez.

Bumangon ang koponan mula sa 0-1 pagkakaiwan sa halftime sa pamamagitan ng apat na magkakasunod na goals sa second half na nagpakita ng lalim ng koponan at determinasyon ng mga manlalarong humalili sa mga wala dahil sa kanilang mga obligasyon sa kani-kanilang club.

Ang mga goals nina John Lucero, Jarvey Ga­yoso, Daisuke Sato at ang isang ‘own goal’ ng Laos ang tumiyak sa unang panalo ng bansa sa torneo.

Umakyat ang Pilipinas sa tatlong puntos sa Group B at naitala ang pinakamalaking agwat ng panalo laban sa Laos sa kasaysayan ng ASEAN Championship.

Nakatakdang umuwi ang koponan para sa isang napakahalagang laban kontra sa Thailand sa Agosto 4 sa New Clark City Stadium sa Capas, Tarlac.

Binigyang-diin din ni Gutierrez ang mga natatanging hamon ng Hyundai Cup na idinaraos sa labas ng FIFA International Match Calendar.

Show comments