Molina, Meneses iniwan ang Cignal
MANILA, Philippines — Nabangasan ng dalawang key players ang Cignal HD sa pagpapatuloy ng 2024-25 PVL All-Filipino Conference sa Enero 18.
Inihayag kahapon ng Avior Talent Management, humahawak kina Molina at Meneses, ang hindi pagre-renew ng kontrata ng dalawa sa HD Spikers na nagtapos noong Disyembre 31 ng nakaraang taon.
“Ces Molina, Marivic Meneses, and Avior Talent Management extend their heartfelt gratitude to the Cignal HD Spikers management for the unwavering support and opportunities provided to Frances Xinia Molina and Marivic Meneses over the past three years,” pasasalamat ng Avior sa Cignal.
Sa pag-alis ni Molina sa HD Spikers ay bitbit niya ang pagiging PVL MVP sa 2023 Invitational Conference, habang hinirang si Meneses bilang Best Middle Blocker sa 2022 Open Conference at 2023 Second All-Filipino Conference.
Wala pang opisyal na pahayag ang Avior kung saang tropa lilipat sina Molina at Meneses.
Malaki ang magiging epekto ng pagkawala nina Molina at Meneses sa kampanya ng Cignal na may 4-1 kartada sa PVL AFC.
Sa pagpapatuloy ng torneo sa Enero 18 ay lalabanan ng Farm Fresh (2-3) ang Nxled (0-5) sa ala-1:30 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Sa alas-4 ng hapon magkikita ang ZUS Coffee (2-3) at Choco Mucho (3-3) kasunod ang upakan ng PLDT (3-2) at Akari (3-3) sa alas-6:30 ng gabi.
- Latest