Cone tiwalang mabilis na makakarekober si Kai

Coach Tim Cone on November 1, 2024.
STAR/Russell Palma

MANILA, Philippines — Malaking kawalan si Kai Sotto sa Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA Asia Cup Qualifiers sa susunod na buwan.

Nagtamo ang 7-foot-3 Pinoy cager ng torn anterior cruciate ligament (ACL) sa kaliwang tuhod nito na nalaman matapos ang MRI.

Kaya naman nalungkot si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone lalo pa’t malaki ang papel ni Sotto sa rotation ng kanyang tropa.

“I’m heartbroken for him,” ani Cone.

Gayunpaman, tiwala si Cone na mabilis na makakarekober ang 22-anyos na si Sotto dahil bata pa ito.

Sasailalim sa operas­yon si Sotto. Matapos nito, daraan sa anim na buwan na rehabilitasyon upang gumaling ng lubusan ang kanyang injury.

“Kai is young and he has a lot of basketball still ahead of him,” ani Cone.

Handa ang Gilas Pilipinas na hintayin ang pagga­ling ni Sotto, ang pagbabalik nito suot ang national team jersey.

“We will try to soldier on without him while he rehabs. Without doubt he is worth the wait, and we will await his return to Gilas with great anticipation,” ani Cone.

Sa pagkawala ni Sotto, nagpaplano na si Cone kung paano pupunan ang naiwan nitong posisyon sa Gilas.

Mabuti na lamang at magaling na sa kanyang injury si AJ Edu na sumailalim din sa ilang buwan na rehabilitasyon noong nakaraang taon.

Nakabalik na sa paglalaro si Edu na kasalukuyang nasisilayan sa aksyon sa Japan B.League.

Nagtala si Edu ng ave­rages na 8.2 points at 8.6 rebounds sa FIBA World Cup na ginanap noong 2023 sa Maynila.

Show comments