Ika-5 dikit ipininta ng ROS

Ang jump shot ni Rain or Shine import Deon Thompson laban kay Blackwater center Clifford Jopia.
PBA Image

MANILA, Philippines — Halos tatlong linggong hindi naglaro ang Rain or Shine.

Ngunit ipinagpag lamang ng Elasto Painters ang kanilang kalawang matapos pabagsakin ang Blackwater Bossing, 122-106, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Ang pang-limang sunod na arangkada ng Rain or Shine ang nagtaas sa kanilang record sa 5-1 at inihulog ang Blackwater sa 1-6 kasama ang ikatlong dikit na kamalasan.

Umiskor si import Deon Thompson ng 25 points at may 22, 20, 18 at 11 mar­kers sina Adrian Nocum, Leonard Santillan, Anton Asistio at Caelan Tiongson, ayon sa pagkakasunod.

“My primary concern at the beginning was how sharp are the guys going to be coming off almost a three-week break,” ani coach Yeng Guiao.

Huling sumalang ang tropa ni Guiao noong Dis­yembre 22 kung saan nila tinalo ang Terrafirma, 124-112.

“Sa amin ang importante makarating ng next round, Ang tingin namin seven wins will assure you of a slot in the playoffs. So we have five wins now,” dagdag ng 65-anyos na seven-time PBA champion coach.

Kaagad nag-init ang Elasto Painters nang iposte ang 23-point lead, 39-16, sa second period bago nakabangon ang Bossing sa likod ni import George King para makalapit sa halftime, 47-56.

Huling dumikit ang Blackwater sa 63-71 sa 7:01 minuto ng third period mula sa dalawang free throws ni King.

Isang 16-7 atake ang pinamunuan nina Nocom at Caleb Tiongson para muling ilayo ang Rain or Shine sa 87-70 sa huling 3:30 minuto ng nasabing yugto.

Hindi na isinuko ng Elasto Painters ang ka­ni­lang kamalangan sa fourth quarter tampok ang basket ni Thompson sa huling 1:37 minuto para ibaon ang Bossing sa 118-101.

Show comments