Yulo kumolekta ng 8 golds sa Hong Kong
MANILA, Philippines — Unti-unting gumagawa ng sariling pangalan si Karl Eldrew Yulo matapos humakot ng walong gintong medalya sa Chiu Wai Chung Cup na ginanap sa Hong Kong.
Pinagharian ni Yulo ang juniors individual all-around para magarbong simulan ang kampanya nito sa torneo.
Hindi nagpaawat si Yulo nang walisin nito ang anim na gintong medalya sa individual apparatus na floor exercise, vault, parallel bars, horizontal bar, pommel horse at still rings.
Bukod pa rito ang gintong medalyang nakamit ni Yulo sa team event ng junior men’s artistic gymnastics.
Si Yulo ang nakababatang kapatid ni Carlos Edriel Yulo na sumungkit ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics.
Sa kabuuan, humakot ang national gymnastics team ng 14 ginto, anim na pilak at limang tanso sa naturang torneo.
Nagdagdag ng tatlong gintong medalya si Miguel Besana sa men’s seniors individual all-around, floor exercise at pommel horse habang nasiguro naman ni Justine Ace De Leon ang gintong medalya sa men’s still rings at parallel bars.
Nakahirit pa ng ginto ang Pinoy gymnasts sa seniors men’s team event.
Galing naman ang pilak kina Besana (still rings, parallel bars at vault), John Matthew Vergara (horizontal bar), Jhon Romeo Santillan (floor exercise) at Jan Gwynn Timbang (pommel horse).
Sumiguro rin ng tanso si Besana sa horizontal bar gayundin sina De Leon (vault), Hillarion Palles (pommel horse at parallel bars), Vergara (parallel bars).
- Latest