MANILA, Philippines — Kinapitan ng University of the Philippines sina JD Cagulangan at Quentin Millora-Brown upang makuha ang 73-65 panalo kontra defending champion De La Salle University sa Game 1 ng UAAP Season 87 men’s basketball finals na nilaro sa Smart Araneta Coliseum kagabi.
Tumikada si Millora-Brown ng 17 points habang 13 ang binakas ni Cagulangan para sa Fighting Maroons na namumuro sa pagsilo ng pang-apat na korona sa kanilang best-of-three finals kontra Taft-based squad.
Lumabas agad ang bangis ng Green Archers sa first quarter nang hawakan nila ang anim na puntos na bentahe, 18-11, ngunit mabalasik din ang laro ng Fighting Maroons kaya nanatili silang nakadikit at natapyasan nila sa dalawa ang hinahabol, 41-37 sa halftime.
Naging maangas naman ang opensa ng Fighting Maroons sa third canto nang makalamang ito ng apat, 45-41 may 3:53 pa sa orasan bago ang fourth quarter.
Naitabla ng DLSU ang iskor sa 45-all sa 2:32 mark, pero determinado ang UP at nakuha ulit nila ang manibela, 54-50 sa pagtatapos ng 3rd canto.
Lalong nagliyab sa opensa ang UP sa payoff period nang lumubo ang kanilang abante sa 11 points, 65-54 may 5:35 minuto pa sa orasan.
Naibaba ng La Salle sa apat na puntos ang hinahabol, 61-65 matapos magtala ng back-to-back layups ni Mike Philips para pangunahan ang kanilang 7-0 run may 1:42 na lang sa payoff period.
Subalit naging matatag ang UP sa dulo upang maitakas ang importanteng panalo at mamuro sa pagsilo ng korona.
May tsansa ang Fighting Maroons na tapusin ang serye sa Game 2 sa Miyerkules sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.