Brownlee sabak agad sa Gilas training

Justin Brownlee.
STAR / File

MANILA, Philippines — Matapos ang ilang araw na pahinga, balik-ensayo na si Gilas Pilipinas natura­lized player Justin Brownlee para paghandaan ang FIBA Asia Cup Qualifiers sa Nobyembre 21 at 24 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nasilayan na sa ak­syon si Brownlee sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna kung saan kasama nito ang iba pang miyembro ng Gilas Pilipinas na nasa pukpukang ensayo.

Ilang araw din na nakapagpahinga si Brownlee matapos ang PBA Go­vernors’ Cup Finals series kung saan natalo ang kanyang tropang Barangay Ginebra sa Talk ’N Text.

Kaya naman, inaasahang full force na ulit si Brownlee para sa laban ng Gilas Pilipinas kontra sa New Zealand sa Nobyembre 21 at sa Hong Kong sa Nobyembre 24.

Dalawang beses sumasalang sa ensayo ang Gilas kada araw dahil kapos na ang oras nito sa preparasyon.

“Everything is going well so far,” ani Gilas  team ma­nager Richard del Rosario.

Nais ni Gilas head coach Tim Cone na maihanda ang kanyang tropa gaya ng ginawa nito sa preparasyon para sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na ginanap noong Hulyo sa Riga, Latvia.

Matatandaang ginulantang ng Gilas ang world No. 6 Latvia sa elimination round para makapasok sa semis.

Subalit yumuko ito sa Brazil sa crossover semis.

Sa naturang Olympic qualifiers, nagtala si Brownlee ng averages na 23 points, 8.3 rebounds at 6.3 assists para mapasama sa FIBA OQT All-Star.

Hindi naman na bago si Brownlee sa bawat miyembro ng Gilas dahil magkakasama na ito sa mga nakalipas na FIBA tournaments.

Kaya’t mas magiging madali ang pagbuo ng chemistry para sa laban nito sa FIBA Asia Cup Qualifiers.

Show comments