MANILA, Philippines — Tinuldukan ng University of the Philippines ang asam ng Far Eastern University na makapasok sa Final Four matapos sikwatin ang 86-78 panalo sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan, kahapon.
Kinalsuhan din ng Fighting Maroons ang kanilang two-game losing skid upang ilista ang 10-3 record at manatiling nasa pangalawang puwesto ng team standings.
Kahit pasok na sa semifinals at nakasisiguro ng twice-to-beat advantage ay lumaro pa rin ng todo ang Fighting Maroons para makakuha ng momentum sa susunod na phase ng kanilang labanan.
“Every time we have a game like this, where we have to battle it out in the end, it makes you proud as a coach. Especially coming off two losses, seeing the heart of the players was great,” ani UP head coach Goldwin Monteverde.
Nagbaba ng 20-7 run sa pagbubukas ng third quarter, napanatili ng UP ang kanilang bentahe papasok ng final period.
Pumalag ang Tamaraws matapos ibaba sa tatlo ang kanilang hinahabol mula sa tatlong free throws ni Jorick Bautista, 78-81 may 50.2 segundo na lang ang nalalabi sa orasan.
Pero naging matatag ang Fighting Maroons, sumagot agad si JD Cagulangan ng panelyong step-back three-pointer kung saan ay 26.7 na lang ang nalalabi sa oras at hindi na nakaahon ang FEU.
Sumala si FEU head coach Sean Chambers sa asam na semifinals sa kanyang unang taon, tumapos sila ng 5-9 record, naungusan Tams ang kanilang baraha noong nakaraang taon, (3-11).