Mapua inupuan ang No. 1 spot sa F4

MANILA, Philippines — Kasabay ng pagwalis sa second round ay ang pagkopo ng Cardinals sa No. 1 spot sa Final Four ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament.

Pinasadsad ng Mapua University ang sibak nang Arellano University, 75-69, para sa kanilang pang-siyam na sunod na ratsada kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Naglista si Chris Hubilla ng 12 points, 9 rebounds at 3 assists at tumipa si Clint Escamis ng 12 markers, 5 boards, 3 assists at 3 steals para sa 15-3 record ng Cardinals.

Pinamunuan ni Erjay Geronimo ang Chiefs (7-11) sa kanyang 15 points habang may 13 markers si T-mc Ongotan.

Plantsado na ang Final Four kung saan lalabanan ng No. 1 Mapua ang No. 4 Lyceum of the Philippines University (10-8) at sasagupain ng No. 2 College of St. Benilde (14-4) ang No. 3 at nagdedepensang San Beda University (10-7).

May bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage ang Cardinals laban sa Pirates at ang Blazers kontra sa Red Lions sa Final Four na nakatakda sa Sabado.

“Salamat sa mga pla­yers na hindi nagpabaya although na nandoon na kami sa twice-to-beat advantage pero sabi nga, hindi puwede ‘yung pupunta lang kami dito na ibibigay ang panalo sa Arellano,” ani Mapua coach Randy Alcantara.

Kaagad kinuha ng Cardinals ang 22-10 abante sa first period patungo sa paglilista ng 20-point lead, 53-33, sa third quarter.

Nakabangon naman ang Chiefs at huling nakalapit sa 69-72 sa dulo ng final canto.

Show comments