Alas Pilipinas sibak sa Chinese teams

Iniskoran ni Sofiah Pagara ng Philippines sina Xue Chen at Zeng Jinjin ng China sa 2024 Asian Beach Volley Championship.

MANILA, Philippines —  Sinibak ng mga Olympians at continental champions ng China ang Alas Pilipinas Women papasok sa quarterfinals ng Asian Senior Beach Volleyball Championships kahapon sa Nuvali Sand Courts sa City of Santa Rosa.

Dinomina nina Xia Xinyi at Wang Jingzhe sina Pinay bets  Gen Eslapor at Kly Orillaneda, 21-13, 21-8.

Pinatumba naman nina Xue Chen at Zeng Jinjin sina Khylem Progella at Sofiah Pagara, 21-14, 21-11.

Sina Xia at Xue ay mga Paris Olympians at nagreyna sa 2023 Asian Seniors.

Nagawang maagaw ng Air Force pair nina Eslapor at Orillaneda ang 5-3 abante bago nagpakita ng lakas ang dalawang Chinese spikers para kunin ang pa­nalo patungo sa quarterfinals ng torneong suportado ng Nuvali, Ayala Land, Smart, PSC, POC, City of Santa Rosa, Asics, Akari, Sip, Cignal, One Sports, One Sports Plus, Pilipinas Live, Asian Volleyball Confederation at Philippine National Volleyball Federation.

Samantala, wagi sina Jasmine Fleming at Elizabeth Alchin sa kanilang all-Australian showdown nina Alisha Stevens at Cameron Zajer, 14-21, 21-14, 15-12.

Pasok din sa quarterfinals sina Chinese Yan Xu at Zhou Mingli matapos gibain sina Tanarattha Udomchavee at Rumpaipruet Numwong ng Thailand, 21-15, 21-18, sa event na pinamamahalaan ng Phi­lippine National Volleyball Federation at ng Asian Volleyball Confederation sa pamumuno ni Ramon “Tats” Suzara.

Show comments