MANILA, Philippines — Papagitna ang mga Alas Pilipinas teams sa pagsabak sa Asian Senior Beach Volleyball Championships simula sa Nobyembre 6 sa Nuvali Sand Courts sa City of Santa Rosa.
Muling magtatambal sina Ran Abdilla at James Buytrago, pumalo ng bronze medal sa 2023 Southeast Asian Games sa Cambodia, sa pagharap sa mga tropa mula sa Asia at Oceania sa torneong suportado ng Nuvali, Ayala Land, Rebisco, Smart, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, City of Santa Rosa, Mikasa, Senoh, Asics, Akari, Sip, Cignal, One Sports, One Sports Plus, Pilipinas Live, AVC at Philippine National Volleyball Federation (PNVF).
Maghahampasan sa Nuvali Sand Courts ang mga Asian Volleyball Confederation (AVC) at FIVB-rated teams para sa top honors.
“Again, the Philippines and Nuvali become the epicenter of beach volleyball with some of the continent’s, if not the world’s best showcasing their elite skills before Filipino fans,” ani PNVF at AVC president Ramon “Tats” Suzara.
Tatarget ng back-to-back crown sina Abbas Pourasgari at Alireza Aghajanighasab ng Iran matapos maghari sa nakaraang AVC Beach Tour Nuvali Open noong Abril.
Kasama rin sa 24-team field ang tatlong koponan mula sa Australia at dalawang tropa galing sa New Zealand.
Pasok na sa main draw ang 20 pairs, habang apat na silya ang pag-aagawan ng 15 teams sa qualifying event.
Kasama rito ang Philippine tandem nina dating Perpetual Help star Ronniel Rosales at dating National University stalwart Edwin Tolentino.