DASMARINAS, Cavite, Philippines — Muling sinandigan ng Barangay Ginebra si resident import Justin Brownlee para agawin ang bentahe sa kanilang serye ng San Miguel.
Kumolekta si Brownlee ng 30 points, 9 rebounds, 5 assists at 5 blocks para sa 99-94 pagganti ng Gin Kings sa Beermen sa Game Three ng Season 49 PBA Governors’ Cup semifinal series kahapon sa Dasmarinas City Arena sa Cavite.
Kinuha ng Ginebra ang 2-1 lead sa kanilang best-of-seven semifinal showdown ng San Miguel.
“I’m extremely blessed to have the opportunity playing for Gineba and with a great group of guys. Work ethic is incredible and even better character,” sabi ng 36-anyos na si Brownlee.
Nauna nang kinuha ng Gin Kings ang Game One, 122-105, bago nakatabla ang Beermen sa Game Two via overtime, 131-125.
Nagdagdag si Japeth Aguilar ng 22 markers, ang 14 ay iniskor niya sa first half habang may 15 at 11 markers sina Maverick Ahanmisi at Stephen Holt, ayon sa pagkakasunod.
“We defended so much better tonight. We played playoff defense tonight, and I thought that was really the key. And we extended it all the way,” ani Ginebra coach Tim Cone.
Pinamunuan ni import EJ Anosike ang San Miguel sa kanyang 32 points at may 13 markers si CJ Perez kasunod ang tig-12 points nina eight-time PBA MVP June Mar Fajardo at Marcio Lassiter.
Inilista ng Gin Kings ang 54-45 halftime lead bago humataw ang Beermen ng isang 22-6 atake para agawin ang 67-60 lead sa 5:10 minuto ng third period.
Ibinangon nina Brownlee, Holt at Ahanmisi ang Ginebra sa fourth quarter at itinayo ang 97-90 abante para tuluyang selyuhan ang kanilang panalo sa SMB.