Para sa huling semis berth
MANILA, Philippines — Hindi na mahalaga ang mga iskor sa nakaraang apat na laro pati na ang statistics.
Matira na lamang ang matibay sa pagitan ng powerhouse San Miguel at bagitong Converge.
“Wala nang pinag-uusapan dito na history na stats na winning streak, wala nang losing streak. It will all boil down to that one game. It will be a dogfight on Sunday,” ani FiberXers coach Franco Atienza sa pagsagupa nila sa Beermen ngayong alas-7:30 ng gabi sa Game Five ng Season 49 PBA Governors’ Cup quarterfinals series sa Ynares Center sa Antipolo City.
Pumuwersa ang Converge ng ‘sudden-death’ matapos tumabla sa 2-2 sa kanilang best-of-five showdown mula sa 114-100 paggupo sa San Miguel sa Game Four noong Biyernes ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Nauna nang itinakas ng FiberXers ang 114-112 panalo sa Beermen sa Game Three tampok ang buzzer-beating jumper ni Alec Stockton.
Ang mananalo sa duwelo ng SMB at Converge ang sasagupa sa Barangay Ginebra sa best-of-seven semifinals series sa susunod na linggo.
Kung nakabangon ang FiberXers mula sa 27-point deficit sa third period sa Game Three ay humataw naman sila ng 37 points sa third quarter sa Game Four para muling talunin ang Beermen.
Muling aasahan ng Converge sina import Jalen Jones, Alec Stockton, Justin Arana, Schonny Winston, JL Delos Santos at Bryan Santos katapat sina import EJ Anosike, eight-time MVP June Mar Fajardo, Marcio Lassiter, CJ Perez at Chris Ross.
Samantala, kasalukuyan pang naglalaban ang Rain or Shine at Magnolia sa ‘winner-take-all’ Game Five kagabi habang isinusulat ito.
Ang mananaig ang haharap sa nagdedepensang TNT Tropang Giga sa semis series.