MANILA, Philippines — Nangibabaw ang taktika ni De La Salle University head coach Topex Robinson upang makuha nila ang madaling panalo kontra University of Santo Tomas, 88-67 sa Season 87 ng UAAP men’s basketball na nilaro saAraneta Coliseum kagabi.
Isa pang naging susi sa panalo ng Green Archers ang pagkontrol nila sa rebounds kaya naman umalagwa sila sa second half at payukuin ang Growling Tigers.
“I think the key for us this afternoon is that we really tried to outwork them. We know what they’re capable of, we know how well coached that team is, and sabi nga namin, our goal right now is to just outwork UST,” sabi ni Robinson.
Nirehistro ng DLSU ang 56 rebounds mula sa 35 defensive at 21 sa offensive, inungusan nila ang 29 boards lamang ng Growling Tigers.
Nahirang na Best player of the Game si Michael Phillips matapos magtala ng 12 points at 18 rebounds para sa Taft-based squad DLSU na ilista ang 5-1 karta at solohin ang second spot sa team standings.
Tumulong naman sa opensa para sa DLSU si Vhoris Marasigan ng 11 pts. habang tumikada si reigning Most Valuable Player (MVP) Kevin Quiambao ng 10 pts., anim na boards at apat na assists.
Tig-10 puntos din ang kinana nina JC Macalalag at Raven Gonzales para sa La Salle.