MANILA, Philippines — Sinandalan ng De La Salle University sina veterans Angel Canino at Shevana Laput para pabagsakin ang University of the Philippines, 25-14, 18-25, 26-24, 25-12,sa second day ng 2024 Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-season Championship na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum kahapon.
Bagama’t hindi naging madali ang panalo ay ipinaramdam ng Lady Spikers ang kanilang lakas sa una nilang laro sa Pool C para sa kanilang mainit na pagbabalik sa liga matapos hindi maglaro noong nakaraang taon.
Nakitaan din ng tikas ang Fighting Maroons nang bigyan nila ng magandang laban ang Lady Spikers sa second at third set, subalit naging matatag ang 2023 National Invitationals champion, La Salle sa fourth mula sa tulong nina Canino at Laput para makuha ang panalo.
Tumikada si Laput ng pito sa kanyang 18 points sa fourth frame habang nag ambag si Canino ng 16 points para sa La Salle na nilista ang 1-0 karta.
“For the team, it was really just sticking to our system, listening to what the coaches were telling us but most importantly playing with pride and puso,” ani Canino ang 2023 National Invitationals MVP.
May tsansa sanang masikwat ng Fighting Maroons ang set three matapos magtabla sa 24-all subalit pumutok si Laput upang maitakas ng Taft-based squad ang mahirap na set win.
Samantala, naka-rekober ang University of the East Lady Warriors mula sa set down matapos kalusin ang Lyceum of the Philippines University Pirates, 24-26, 25-21, 25-22, 25-14, sa Pool B.