MANILA, Philippines — Sasandalan ng University of the East ang kanilang two-game winning streak sa pagharap sa mabangis na National University sa Season 87 UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magsisimula ang banatan ng UE at NU ngayong alas-6:30 ng gabi pagkatapos ng bakbakan ng University of the Philippines at Adamson University sa alas-4:30 ng hapon.
Nakabingwit ng malaking isda ang Red Warriors sa kanilang huling laban nang bulagain ang defending champions De La Salle University Green Archers, 75-71, noong Setyembre 22.
Kaya pihadong buo ang kumpiyansa ng tropa pagharap nila sa Bulldogs na lugmok ng tatlong sunod matapos ang panalo nila sa unang laro ngayong season.
Tangan ng Red Warriors ang 2-2 record at naka puwesto sa pang-lima sa team standings.
Para kay UE head coach Jack Santiago, maganda ang inilalaro ng kanyang mga bataan at nakukuha na nila ang kumpiyansa sa laro.
“I will give credit sa boys ko because, during our practice, I saw the intensity already. I just told them we just need to have a good start and – as much as possible – keep the game close, and the boys responded very well,” sabi ni Santiago.
Sina John Abate at Wello Lingolingo ang paniguradong pupuntahan ng Red Warriors para sa kanilang opensa para mahagip ang pangatlong sunod na panalo.
Kumana si Abate ng 20 points, habang bumakas si Lingolingo ng 18 markers lahat galing sa tres.