Isleta MOS ng National Trials
MANILA, Philippines — Hinirang si Chloe Isleta bilang Most Outstanding Swimmer (MOS) sa pagtatapos ng four-day Philippine Aquatics, Inc. (PAI) National Trials 25-meter short course kahapon sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila.
Winalis ng 26-anyos na national swimmer ang pito niyang events kasama ang girls’ 100-meter freestyle at 200m backstroke mula sa mga tiyempong 56.38 segundo at 2:12.30, ayon sa pagkakasunod.
Ikinuwintas ito ni Isleta sa mga nauna niyang panalo sa 50m backstroke (27.83), 200m freestyle (2:04.17), 100m Individual Medley (1:01.64), 100m backstroke (1:00.31) at 50m freestyle (25.65) para sa kanyang 231 points sa women’s division.
Ang PAI National Trials ay ginagamit bilang pagpili para sa mga miyembro ng Philippine Team na isasali sa World Aquatics World Series (short course) na binubuo ng Series 1 sa Oktubre 18-20 sa Shanghai, China; Series 2 sa Oktubre 24-26 sa Incheon, South Korea; at Series 3 sa Oktubre 31-Nobyembre 2 sa Singapore at magtatapos sa Disyembre 10-15 sa Budapest.
“With still more than one month before the World Series, we can go back in training and prepared,” sabi ni Isleta ng De La Salle University.
Bukod kay Isleta, kasama rin sa top16 sina Jie Angela Mikaela Talosig (150), Kyla Louise Bulaga (144), Micaela Jasmine Mojdeh (120), Ciandi Chua (114), Miranda Cristine Renner (102), Mishka Sy (99), Trixie Ortiguera (96), Hannah Sanchez (84), Riannah Chantelle Coleman (84), Alyza Ng (72), Shinloa San Diego (57), Jindsy Dasion (54), Jamaica Enriques (51) at Annika Isip (48).
Sa men’s division, nanguna sa men’s class si Jerard Jacinto ng FTW Royals na may 126 points.
- Latest