Santos kumana ng 5 golds sa National Trials
MANILA, Philippines — Maningning na tinapos ni Gian Santos ang kampanya nito matapos walisin ang lahat ng limang gintong nilahukan nito sa Philippine Aquatics, Inc. (PAI) Long Course National Trials na ginanap sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa Malate, Manila.
Pinagharian ni Santos ang boys’ 16-18 kung saan namayagpag ito sa 100m freestyle sa bilis na 50.70 segundo — malayo sa qualifying time na 53.01.
Nilampasan din ng incoming freshman sa Columbian University sa New York ang qualifying mark sa 400m freestyle sa nakuha nitong 4:01.26 na oras.
Wagi rin ng ginto si Santos sa 200m IM sa oras na 2:05.99, 200m freestyle sa kanyang nairehistrong 1:51.39, at 200m breaststroke sa nailista nitong 2:18.30.
Hindi naman nagpakabog si Jamesray Ajido na itinanghal na Most Bemedalled Swimmers sa torneo matapos humakot ng pitong gintong medalya.
Magarbong winakasan ni Ajido ang kanyang kampanya sa boy’ 14-15 nang mangibabaw ito sa 100m freestyle sa oras na 54.32 para makuha ang ginto.
Nakaginto pa si AJido sa 50m backstroke (28,57), 200m freestyle (2:02.35), 100m butterfly (56.25), 50m freestyle (24.64), 100m backstroke (1:01.01) at 200m Individual Medley (2:12.57).
Nakahirit din ng kani-kanyang ginto sina Billie Blu Mondonedo, Maxene Hayley Uy, Sophie Rose Garra at Liv Abigail Florendo sa kani-kanyang kategorya.
Ang iba pang gold medalists ay sina Richard Navo, Miguel Barreto, Anika Kathryn Matiling, Nuche Veronica Ibit, Alyza Ng, Arvin Taguinota, Joshua Par, Catherine Cruz at Mishka Sy.
- Latest