Yulo speechless sa blessing na natatanggap
MANILA, Philippines — Hindi pa rin makapaniwala si Carlos Yulo sa pagbuhos ng mga biyaya sa kanya matapos masungkit ang dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics.
Instant millionaire si Yulo dahil sa cash incentives pa lang ng gobyerno, mayroon na agad itong natanggap na P20 milyon — 10 milyon kada gold medal.
May ibibigay pang karagdagang P14 milyon ang House of Representatives habang may tig-P5 milyon ang Arena Plus at si businessman Chavit Singson.
May karagdagan pang P3 milyon ang Megaworld kasama ang three-bedroom, fully-furnished condo unit sa McKinley Hill sa Taguig City na nagkakahalaga ng P32 milyon.
At marami pang iba mula sa iba’t ibang pribadong kumpanya na nagbigay ng pabuya sa world-class Pinoy gymnast.
Nadagdag pa ang brand new car mula sa Toyota.
Kaya naman umaapaw sa saya si Yulo na hindi pa rin makapaniwala sa mga nagyayari sa kanya.
“Sa ngayon talagang yung gold medal ang nasa isip ko sobrang saya ko po. Pero sobrang thankful din po ako sa lahat ng mga nagre-recognize sa aming mga atleta,” ani Yulo.
Sa kanyang ilang panayam, inihayag ni Yulo na nais nitong i-invest ang ilang bahagi ng cash incentives nito habang ise-save nito sa bangko ang iba pang premyo.
“Ise-save po for future and invest din po,” ani Yulo.
Kabi-kabila rin ang TV guestings ni Yulo na bumisita rin sa Eat Bulaga kahapon.
Matapos ang guestings nais ni Yulo na magpahinga bago isentro ang kanyang atensiyon sa kanyang mga susunod na laban.
“Ngayon focus ako sa personal life ko to balance it after stressful na competition. Mahaba haba na pagpa-plano at nakamit ko po ang pinapangarap ko sa buhay (ang gold sa Olympics). Salamat po talaga kay Lord,” ani Yulo.
Hangad ni Yulo na ipagpatuloy ang kanyang training kung saan pakay nitong lumahok sa mga training camps na malaki ang naitulong sa kanya bago tumulak sa Paris.
- Latest