Heroes’ parade ngayon para sa Team Philippines
MANILA, Philippines — Isang mainit na heroes’ parade ang ilalatag ngayong araw para sa Team Philippines na matagumpay na nakapag-uwi ng medalya mula sa 2024 Paris Olympics.
Isasara ang ilang bahagi ng kalsada sa Maynila na magsisilbing venue ng parada.
Magsisimula ang parada sa Aliw Theater sa Maynila kung saan babaybayin nito ang Roxas Boulevard.
Liliko ang parada sa Padre Burgos Avenue patungong Taf Avenue.
Mula sa Talf Avenue, kakanan ang parada sa Quirino Avenue patungong Adriatico Street kung saan matatapos ang parada sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz.
Mangunguna sa parada si gymnast Carlos Edriel Yulo na humakot ng dalawang gintong medalya sa Paris Games.
Kasama nito sina boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas na kapwa sumuntok ng tansong medalya sa kani-kanyang dibisyon.
Dumating na kagabi ang Team Philippines.
Mula sa Paris, sumakay ang delegasyon sa Emirates flight patungong Dubai para sa maikling stopover doon.
Mula Dubai, ang Philippine Airlines na ang nagdala sa Team Philippines sa Maynila.
Nagkaroon pa ng stopover ang PAL sa Bangkok para mag-refuel bago tumulak sa Villamor Airbase kung saan lumapag ang Team Philippines.
Mula sa Villamor Airbase, nagtungo ang Team Philippines sa Malacañang Palace para sa mainit na pagsalubong sa mga atletang Pinoy.
- Latest