PARIS -- Maglulunsad ang Team Philippines ng malaking atake sa hangaring makapasok sa 2024 Olympics medal board sa pangunguna ng tatlong pangunahing Pinoy athletes.
Hangad ni pole vaulter EJ Obiena na makapasa sa qualification patungo sa medal play sa Stade de Paris, habang target ni boxer Carlo Paalam ang bronze sa Paris North Arena at sasalang si gymnast Carlos Yulo sa men’s floor exercise finals sa Bercy Arena.
Puntirya ng mga national athletes na makapasok sa medal tally at mapanatili ang medal streak para sa Team Philippines matapos ang silver ni Hidilyn Diaz sa Rio de Janeiro noong 2016 kasunod ang 1-2-1 gold-silver bronze breakthrough sa Tokyo noong 2021.
Inaasahang mapapasama si Yulo, isang world champion floor exercise artist, sa podium finish sa nasabing event.
Kumpiyansa si Gymnastics Association of the Philippines president Cynthia Carrion sa tsansa ni Yulo sa gold “and maybe two if he does well in the vault.”
Lalabanan naman ni Paalam si Australian Charlie Senior sa men’s 57kg quarterfinal round kung saan ang kanyang panalo ang titiyak sa Pinas ng bronze medal.
“Carlo is one win away from history. No Filipino boxer has won two medals in the Games. And if ever, he’ll be doing it in two different weight classes. We’re all hoping he can get it done,” wika ni Alliances of Boxing Association of the Philippines secretary general Marcus Manalo.
Sa Tokyo ay sumuntok si Paalam ng silver medal sa 51kg category para makasama sina Filipino Olympic boxing medal winners Jose Villanueva (bronze sa Los Angeles noong 1932), Anthony Villanueva (silver sa Tokyo noong 1964), Leopoldo Serantes (bronze noong 1988 sa Seoul), Roel Velasco (bronze noong 1992 sa Barcelona), Onyok Velasco (silver sa Atlanta noong 1992) at Eumir Marcial (bronze noong 2021 sa Tokyo).
“Naka-spar na ni Carlo ang Australian many times, in our training in Australia and in Germany. Carlo’s looking good. We’re hoping ma-execute niya ang competition plan,” sabi ni Manalo.
Malakas din ang pag-asa sa ginto ni Obiena, ang World No. 2 sa likod ni Armand “Mondo” Duplantis ng Sweden, bagama’t may physical problems.