MANILA, Philippines — Ipinoste ng Born 2004 ng Pilipinas, kinakatawan ng Davao-NTB Wolves, ang ikalawang sunod na panalo matapos ang 74-50 pagbugbog sa Canada-GIGG sa PSL Global Championship Challenge kahapon sa Victoria Sports sa Quezon City.
Kumamada si Karl Benedict Wood ng 15 habang nag-ambag si Keith Marquez ng 12 points para akbayan ang Pilipinas sa panalo sa naturang torneo.
Samantala, pinatumba ng Born 2006 team ng Pilipinas ang North America, 67-53, sa likod ng 16 points at 18 rebounds ni Jan Vince Oringo sa kanyang unang salang sa flagship event ng Pilipinas Super League.
Nag-ambag si Fritz Gonzales ng 10 markers at naglista si Neil Naneez ng 9 points at 9 boards para sa Born 2006 team.
“Plan ko talaga to keep the team intact para wala nang problema sa chemistry, at the same time preparation na rin sa future tournaments ng PSL,” ani head coach Melo Banua.
Bigo naman ang Born 2008 ng Pilipinas sa North America, 61-75.