Jalalon, Tratter dinala ng Magnolia sa NorthPort
MANILA, Philippines — Bagong timpla ang hanap ng Magnolia matapos ibigay sina veteran guard Jio Jalalon at forward Abu Tratter sa NorthPort para mahugot si sophomore big man Zavier Lucero.
Inaprubahan kahapon ng PBA trade committee ang nasabing trade ng Hotshots at Batang Pier.
Ang 6-foot-7 na si Lucero, ang No. 5 overall pick ng Batang Pier sa Season 48 PBA Draft, ay hindi nakalaro sa season-opener Commissioner’s Cup dahil sa kanyang pagrekober sa ACL injury.
Bukod kina Jalalon at Tratter, nakuha rin ng NorthPort si forward Sidney Onwubere mula sa Barangay Ginebra kapalit ni Ben Adamos.
Samantala, hindi kaagad makikita sa aksyon si Season 49 PBA Draft No. 1 overall pick Justine Baltazar sa pagsabak ng Converge sa darating na Governor’s Cup sa Agosto.
May kontrata pa kasi ang 6-foot-8 na si Baltazar sa Pampanga Giant Lanterns sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na magtatapos sa Disyembre.
“Right now, priority muna namin ‘yung dedication sa mga Kapampangan na tapusin ‘yung season namin sa MPBL,” ani Giant Lanterns coach at Pampanga Gov. Dennis Pineda sa reigning MPBL MVP.
Ngunit kung hindi makakapasok ang Giant Lanterns sa MPBL Finals ay kaagad bibitawan ni Pineda si Baltazar para makapaglaro sa FiberXers sa PBA import-laden conference.
“Pero right now, obligado muna siya maglaro with Pampanga Lanterns,” sabi ni Pineda.
Ang pagkuha ng Converge kay Baltazar ang makakatulong sa koponang nangulelat sa nakaraang Season 48 PBA Commissioner’s Cup at Philippine Cup.
Si Baltazar, umatras sa paglahok sa 2022 PBA Draft, ay itatambal ni Ayo kay 2023 PBA Rookie of the Year Justin Arana sa shaded lane.
- Latest