NU, FEU pasok sa knockout quarterfinals ng SSL
MANILA, Philippines — Walang kahirap-hirap na sinakmal ng reigning UAAP champions National University ang Xavier University, 25-15, 25-13, 25-13, para sa No. 1 spot sa Pool A ng 2024 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Nagtulungan sa opensa sina Aishat Bello at Vange Alinsug upang ilista ang 2-0 record ng Lady Bulldogs at patalsikin ang Xavier na may 0-2 marka.
Nakopo ng Enderun Colleges, (1-1) ang No. 2 para samahan ang NU sa kncockout quarterfinals.
Kumana si Bello ng siyam na puntos kasama ang apat na service aces, habang walo ang inambag ni Alinsug mula sa anim na kills at dalawang blocks.
“Masaya po at nanalo even without the senior players, but we saw complacency in their performance. Sakit pa rin ng team namin na magkaron ng tendency na mag-relax kapag alam nila na medyo under skilled iyong opponent, that’s what I told them. That’s not good for me,” ani NU head coach Norman Miguel.
Nahirang na Most Valuable Player, (MVP) of the Game ang batang playmaker na si Abegail Pono.
“But nevertheless, mabuti at nag-step up iyong mga players especially sila Vange, Abe Pono with the help of Erin Pangilinan. Our rookies played good today.” dagdag ni Miguel.
Tumikada sina Chrys Biongcog at Charity Rockwell ng lima at apat na puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Xavier University.
Samantala, swak din sa quarterfinals ang Far Eastern University Lady Tamaraws (2-0) matapos pauwiin ang Lyceum of the Philippines University Lady Pirates, 25-15, 25-13, 25-12, para hawakan ang tuktok ng Pool C.
- Latest