Hisamitsu Springs winalis ang Alas Women
MANILA, Philippines — Muling yumukod ang Philippine national women’s squad sa Saga Hisamitsu Springs, 14-25, 21-25, 19-25, sa 2024 Alas Pilipinas Invitationals kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nauna nang natalo ang mga Pinay spikers sa nine-time Japan V. League champion, 19-25, 16-25, 16-25, noong Sabado sa kanilang two-game exhibition games.
Pumalo si Mika Yoshitake ng 16 points mula sa 14 attacks, isang block at isang service ace para banderahan ang Hisamitsu Springs.
Pinamunuan ni collegiate standout Alyssa Solomon ang Alas Pilipinas Women sa kanyang pitong puntos at may anim at limang marka sina Fifi Sharma at Sisi Rondina, ayon sa pagkakasunod.
“The most important here is for us to expose them to the good level of matches, international matches,” ani Brazilian coach Jorge Souza de Brito sa kanyang tropa. “That’s what we need. It’s really important.”
Muli namang nilalabanan ng Alas Pilipinas Men ang Japanese team na Osaka Bluteon kagabi habang isinusulat ito.
Ang friendlies ng Alas Pilipinas Women at Men ay bahagi ng one-year countdown para sa pamamahala ng bansa sa FIVB Men’s World Championship na nakatakda sa Setyembre ng 2025.
- Latest