MANILA, Philippines — Tinapos ng Gilas Pilipinas Women ang kanilang kampanya sa 2024 William Jones Cup sa isang 66-82 kabiguan sa Chinese Taipei-A sa New Taipei City.
Isinara ng mga Pinay cagers sa 2-3 record ang kanilang paglahok sa torneo na pinagreynahan ng Japan Universiade via 5-0 sweep.
Binuksan ng tropa ni coach Patrick Aquino ang kanilang Jones Cup campaign sa pamamagitan ng 60-73 pagyukod sa Chinese Taipei-B bago nakabangon sa 74-63 dominasyon sa Malaysia Harimau.
Kumulapso ang Gilas Women sa Japan, 83-85, ngunit ibinaling ang kanilang galit sa Thailand, 68-58, para sa 2-2 kartada.
Sa kabiguan sa Chinese Taipei-A ay nagtala si Naomi Panganiban ng 19 points, 4 rebounds at 2 assists para sa mga Pinay dribblers habang may 12 markers at 6 boards si veteran Afril Bernardino.
Umiskor din si Stephanie Berberabe ng 12 points at humakot si veteran center Jack Animam ng walong marka at siyam na rebounds.
Pumangalawa sa Japan ang Chinese Taipei-A na may 4-1 baraha kasunod ang pumangatlong Chinese Taipei-B na may 2-3 marka.