MANILA, Philippines — Muli na namang nakalasap ng kabiguan ang Gilas Pilipinas Boys matapos yumukod sa Spain, 34-96, sa Group A ng 2024 FIBA U17 World Cup sa Istanbul, Turkey.
Ito ang ikalawang dikit na kamalasan ng mga Pinoy dribblers matapos ang 48-107 pagkatalo sa Lithuania sa kanilang unang laban.
Pinamunuan ni Bonn Ervin Daja ang tropa ni coach Josh Reyes sa kanyang 12 points habang may pito at tig-apat na marka sina Joaquin Ludovice, Elijah Williams at Edryn Morales, ayon sa pagkakasunod.
Sunod nilang lalabanan ang Puerto Rico.
Bumandera ang mga Spaniards sa grupo bitbit ang 2-0 record mula sa naunang 89-63 paggiba sa Puerto Rico.
Kaagad nagposte ang Spain ng 30-2 bentahe sa first period sa likod ng pinagsamang 18 points nina Guillermo del Pino at Eric del Castillo.
Lalo pang nabaon ang Gilas Boys sa halftime, 13-57, at nagtala ng 62-point lead sa huling 39 segundo ng fourth quarter.