Belen, Solomon makakatulong sa Alas
MANILA, Philippines — Kagaya nina collegiate stars Angel Canino at Thea Gagate ng De La Salle Lady Spikers, malaki rin ang magiging kontribusyon nina UAAP champions Bella Belen at Alyssa Solomon ng National University Lady Bulldogs sa Alas Pilipinas.
Sina Belen at Solomon ang pinakabagong idinagdag ni Brazilian coach Jorge Edson Souza de Brito sa national pool kasama si Creamline superstar Jema Galanza.
“We can see na grabe talaga sila magisip. It’s not just that they’re strong. They also have a very high IQ when it comes to volleyball,” sabi ni team captain Jia De Guzman kina Belen at Solomon.
Nauna nang inilista ang dalawang Lady Bulldogs sa Alas Pilipinas roster sa nakaraang 2024 AVC Challenge Cup For Women. Ngunit mas kinailangan nilang magpahinga matapos ang matinding kampanya ng NU sa nakaraang UAAP season.
Isasalang sina Galanza, Belen at Solomon sa 2024 FIVB Volleyball Women’s Challenger Cup sa Hulyo 4 hanggang 7 sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Bukod kina De Guzman, Galanza, Canino, Gagate, Belen at Solomon, ang iba pang nasa Alas Pilipinas pool ay sina Eya Laure, Sisi Rondina, Fifi Sharma, Faith Nisperos, Vanie Gandler, Dawn Macandili-Catindig, Julia Coronel, Jen Nierva, Dell Palomata, Cherry Nunag at Arah Panique.
Sasagupain ng mga Pinay spikers ang mga Vietnamese sa knockout match sa Hulyo 5 sa alas-6:30 ng gabi matapos ang laban ng Czech Republic at Argentina sa alas-3 ng hapon.
Ang mananalo ay aabante sa semifinals patungo sa finals na isa ring win-or-go-home format ng torneo kung saan ang top team ang maglalaro sa 2025 Volleyball Nations League (VNL).
- Latest