Ajido, Sy bumandera sa national age-group
MANILA, Philippines — Nanguna sina Asian junior record holder Jamesrey Mishael Ajido at multi-titled internationalist Mishka Sy sa kani-kanilang age class sa pagsisimula ng Philippine Aquatics, inc. (PAI) National Age Group Championships kahapon sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa Manila.
Nilangoy ni Ajido ang ginto sa boys’ 15-class A 200-meter freestyle sa bilis na 2:00.42 laban kina Ashton Clyde Jose ng Leviathan Swim Club (2:07.63) at Zoilo Larrazabal ng Rising Atlantis (2:08.00).
Hinirang na unang double-gold winner si Sy, kasama ni Ajido sa FTW Royals Swim club, sa kanyang mga panalo sa girls’ 17-over Class A 400m Individual Medley (5:17.43) at 200m freestyle (2:13.14).
Tinalo ng 19-anyos na si Sy sina Aubrey Tom (5:37.51) at Dianna Cruz (5:37.58) sa 400m IM at sina Camille Buico ng Rising Atlantis (2:16.61) at Atasha Dela Torre (2:20.63) sa 200m freestyle.
Pinamunuan ni PAI Secretary-General at Batangas 1st District Rep. Eric Buhain ang mga opisyal sa pagbibigay pugay sa yumaong PAI Executive Director Coach Francisco “Chito’ Rivera bago ang opening dive sa three-day event na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at Speedo.
- Latest