Mavericks diniskaril ang sweep ng Celtics
DALLAS — Handa na ang Boston Celtics para ipagdiwang ang kanilang kampeonato.
Ngunit diniskaril ito ng Mavericks sa likod ng 29 points ni Luka Doncic para sa 122-84 pagmasaker sa Celtics sa Game Four ng NBA Finals.
Sa kabila ng kabiguan ay hawak pa rin ng Boston ang 3-1 lead sa kanilang best-of-seven championship series ng Dallas.
“It doesn’t change anything,” sabi ni Doncic sa panalo ng Mavericks. “Like I said in the beginning of this series, it’s the first to four. And we’re going to believe until the end. We’re just going to keep going. I have big belief in this team that we can do it.”
Ang Celtics ang mamamahala sa Game Five sa Martes at puntirya ang NBA record na ika-18 korona na babasag sa kanilang pagkakatabla ng Los Angeles Lakers.
Ang 38-point final margin ang ikatlong pinakamalaki sa isang NBA Finals game sa ilalim ng 96-54 pagrapido ng Chicago Bulls sa Utah Jazz noong 1998 at ang 131-92 paggupo ng Celtics sa Lakers noong 2008.
Nagdagdag si Tim Hardaway Jr. ng 15 points, habang humakot si rookie center Dereck Lively II ng 11 points at 12 rebounds.
Tumipa si Jayson Tatum sa 15 points para sa Celtics at may 14 at tig-10 markers sina Sam Hauser, Jaylen Brown at Jrue Holiday.
- Latest