UST at NU paborito sa semis ng PNVF U-18 girls
MANILA, Philippines — Sasalang ang mga paboritong University of Santo Tomas, National University, Angatleta-Orion (Bataan) at Umingan (Pangasinan) sa knockout semifinals ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-18 boys and girls championships sa Rizal Memorial Coliseum.
Lalabanan ng Junior Golden Tigresses ang Kings’ Montessori School ngayong alas-10 ng umaga kasunod ang laro ng Lady Bullpups at La Salle-Lipa sa alas-12:30 ng tanghali sa girls’ division.
Nagmula ang UST sa 25-13, 25-15, 25-12 pagsibak sa Canossa Academy-Lipa, habang pinatalsik ng NU ang La Salle-Zobel, 25-18, 25-16, 25-17, sa quarterfinals.
Umiskor naman ang KMS ng 25-15, 25-18, 25-12 panalo sa San Juan Institute of Technology-Batangas at giniba ng La Salle-Lipa ang Gracel Christian College, 25-14, 25-13, 25-21.
Sa boys’ class, haharapin ng Angatleta-Orion ang VNS-Savouge sa alas-3 ng hapon at makakatapat ng Umingan ang Canossa Academy-Lipa City sa alas-5:30 ng hapon sa annual tournament na inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa pamumuno ni Ramon “Tats” Suzara.
Umabante sa semis ang Orion matapos talunin ang Taytay (Rizal).
- Latest