TNT kumonekta ng panalo sa Meralco
MANILA, Philippines — Tinapos ng TNT Tropang Giga ang kanilang two-game losing skid matapos itakas ang 92-90 panalo kontra sa Meralco sa Season 48 PBA Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Nagpasabog si Calvin Oftana ng 26 points tampok ang anim na three-point shots para sa 3-3 record ng Tropang Giga at pinigilan ang dalawang sunod na ratsada ng Bolts na nahulog sa 3-4.
Umiskor si Jayson Castro ng 15 markers, habang may tig-11 points sina Roger Pogoy, Kelly Williams at rookie Henry Galinato.
“I just asked the players how much they want it,” sabi ni coach Chot Reyes. “They were willing to put in the effort and beat a great defensive team and a physical team like Meralco. And apparently, the players responded.”
Matapos ang basket ni Reymar Jose para sa 30-29 abante ng Meralco sa 7:26 minuto ng second period ay naghulog ang TNT ng isang 20-6 bomba tampok ang limang triples ni Oftana para sa kanilang 49-36 bentahe bago ang halftime.
Muling napasakamay ng Bolts ang kalamangan sa 81-80 sa 6:04 minuto ng fourth quarter patungo sa 87-84 pag-angat sa 3:24 minuto nito.
Sa likod nina Oftana at Castro ay inangkin ng Tropang Giga ang 92-87 abante sa huling 45.6 segundo.
- Latest