Sabonis inilista ang pangalan sa NBA history
SACRAMENTO, Calif. — Ipinoste ni big man Domantas Sabonis ang kanyang NBA-leading 25th triple-double sa season sa paggiya sa Kings sa 108-96 pagpapatumba sa Philadelphia 76ers.
Tumapos si Sabonis na may 11 points, 13 rebounds at 10 assists para maging pang-limang player sa NBA history na nagtala ng higit sa 25 triple-doubles sa isang season.
Nakasama niya sa listahan sina Nikola Jokic, Russell Westbrook, Wilt Chamberlain at Oscar Robertson.
Inilista rin ni Sabonis ang kanyang ika-54 sunod na double-double at nakaungos kay Kevin Love para sa longest streak.
Umiskor sina Keegan Murray at De’Aaron Fox ng tig-23 points para sa Sacramento (42-29) na tinapos ang 10-game losing skid laban sa Philadelphia (39-33).
Tumabla ang Kings sa Dallas Mavericks sa sixth place sa Western Conference playoffs.
Humataw si Tyrese Maxey ng 29 points para sa Sixers na nahulog sa eighth place sa Eastern Conference.
Sa Salt Lake City, nagsumite si Luka Doncic ng triple-double na 29 points, 13 assists at 12 rebounds para sa 115-105 panalo ng Mavericks (42-29) sa Utah Jazz (29-43).
Sa Denver, humakot si Nikola Jokic ng 29 points, 11 rebounds at 8 assists sa 128-103 pagpapabagsak ng nagdedepensang Nuggets (51-21) sa Memphis Grizzlies (24-48).
Sa Houston, tumipa si Fil-American Jalen Green ng 27 points sa 110-92 paggupo ng Rockets (36-35) sa Portland Trail Blazers (19-53).
- Latest