MANILA, Philippines — Misyon ng defending champions De La Salle University na ikadena ang pang-limang sunod na panalo pagharap nila sa Far Eastern University sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournament ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Solo sa second place sa team standings ang Lady Spikers tangan ang 6-1 karta at kakasahan ang Lady Tamaraws sa alas-4 ng hapon.
Sa alas-2 ng hapon naman ang salpukan sa pagitan ng Adamson University Lady Falcons at University of the East Lady Warriors.
Ibabangga ng La Salle sina Angel Canino at Shevana Laput upang makuha ang panalo at manatiling malakas ang tsansa sa pagdedepensa ng titulo.
Sina Canino at Laput ang kumana sa opensa para sa Lady Spikers nang gilitan ang 2023 runner-up na National University Lady Bulldogs katuwang sina Amie Provido at Alleiah Malaluan.
Sina Chenie Tagaod, Jean asis, Faida Bakanke at Gerzel Mary Petallo ang sasandalan ng Lady Tams na nasa pang-apat na silya hawak ang 4-3 card.
Samantala, pakay naman ng Lady Falcons na kalsuhan ang three-game losing skid nila para mapatibay ang kapit sa pang- limang puwesto.
May kartang 2-5 ang Adamson, habang bitbit ng Lady Warriors ang 1-6 baraha sa torneo.