DENVER — Nagpasabog si Kevin Durant ng 35 points, kasama ang walo sa overtime, para gabayan ang Phoenix Suns sa 117-107 pagresbak sa nagdedepensang Nuggets.
Kumonekta si Grayson Allen ng walong 3-pointers at tumapos na may 28 points sa pagpigil ng Phoenix (36-26) sa kanilang two-game losing skid.
Hindi naglaro si Devin Booker dahil sa kanyang sprained ankle injury.
Umiskor si Jamal Murray ng 28 points habang humakot si Nikola Jokic ng 25 points, 16 rebounds at 5 assists sa pagwawakas ng six-game winning streak ng Denver (42-20).
Matapos tumipa ng 12 points sa fourth quarter ay bumanat ang Suns ng 15 markers sa overtime sa pangunguna nina Durant at Bradley Beal na nag-ambag ng 16 points.
Sa Dallas, bumira si Myles Turner ng 20 points sa 137-120 demolisyon ng Indiana Pacers (35-28) sa Mavericks (34-28).
Sa Houston, kumolekta si Alperen Sengun ng career-high 45 points at season-best 16 rebounds sa 114-101 paggupo ng Rockets (27-34) sa San Antonio Spurs (13-49).