Blazers lusot sa Champions League semis

Iniskoran ni Edward Camposano ng Philippine Army ang depensa ng Air Force sa Champions League.

MANILA, Philippines — Hinataw ng College of Saint Benilde ang huling semifinals ticket matapos talunin ang PGJC Philippine Navy, 26-24, 25-22, 14-25, 25-22, sa pagsasara ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Champions League men’s division eliminations noong Miyerkules sa Rizal Memorial Coliseum.

Makakasama ng Bla­zers sa semis ang Cignal HD Spikers, Iloilo D’Navigators, VNS Ase­reht at Griffins.

Bigo ang St. Benilde sa Cignal sa opener ngunit ang dalawang sunod na panalo ang nagbigay sa kanila ng No. 2 spot sa Pool A at inilaglag ang Savouge (1-2) at Navy (0-3).

Naglista sina Jacob Herrera at Mike Balbacal ng tig-12 points at may 11 markers si James Marasigan para pangunahan ang Blazers papasok sa semis.

Haharapin ng St. Benilde sa semis ang unbeaten Pool B leader Iloilo, samantalang lalabanan ng Pool A topnotcher Cignal ang VNS sa torneong inorganisa ni PNVF president Ramon “Tats” Suzara.

Nauna nang yumu­kod ang Blazers sa D’Navigators sa eliminasyon.

Winalis naman ng Cignal ang Pool A kasama ang 25-15, 25-16, 25-22 panalo sa Savouge tampok ang 11 points ni Joshua Umandal.

Sa iba pang semis matches sa Pool B, dinaig ng Army ang Air Force, 25-19, 25-14, 19-25, 25-14, sa laban ng dalawang sibak nang koponan.

Show comments