Biado kampeon sa Taiwan 9-Ball Open

MANILA, Philippines — Maganda ang pasok ng bagong taon para kay da­ting world champion Carlo Biado matapos pagharian ang 2nd Chinese Taipei Open 9-Ball Pool Cham­pionship na ginanap sa Hulk Billiards Hall sa New Taipei City, Taiwan.

Gamit ang malalim na karanasan, pinataob ni Biado ang kababayang si Bernie Regalario sa all-Filipino final, 13-7.

Tabla sa 7-all ang laban nang bumulusok si Biado kung saan inilatag nito ang 6-0 run para matamis na angkinin ang panalo.

Naibulsa ni Biado ang tumataginting na $10,000 premyo o mahigit kalaha­ting milyong piso.

Nagkasya naman ang 19-anyos na si Regalario sa $5,000 konsolasyon o halos P300,000 premyo.

Sa katunayan, maagang lumasap ng kabiguan si Biado sa torneo nang magtamo ito ng 4-9 desis­yon kay Taiwanese Ching Feng Wang sa second round.

Kaya naman mas na­ging agresibo si Biado sa mga sumunod na laban nito matapos mahulog sa losers’ bracket.

Pitong sunod na panalo ang naitala nito kabilang ang 8-1 panalo kay Taiwa­nese Shun Yang Kao.

Show comments