San Miguel sasagupa naman sa Phoenix
MANILA, Philippines — Ang paglapit sa quarterfinal berth ang pakay ng Barangay Ginebra at San Miguel, habang nakatutok ang Phoenix sa ‘twice-to-beat’ incentive ngayong Araw ng Pasko.
Lalabanan ng Gin Kings ang TNT Tropang Giga sa alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Beermen at Fuel Masters sa alas-4 ng hapon sa Season 48 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Solo ng Magnolia ang liderato dala ang 9-1 kartada kasunod ang Phoenix (7-1), Meralco (6-2), San Miguel (5-3), Gnebra (5-3), NorthPort (5-4), TNT (4-4), Rain or Shine (4-5), NLEX (3-6), Terrafirma (2-7), Blackwater (1-8) at Converge (1-8).
Umiskor ang Gin Kings ng 110-96 panalo sa Bolts noong Biyernes para palakasin ang tsansa sa quarterfinals.
“It’s a difficult game because of all the distractions. There’s so many things going on, family-wise and such, so it’s hard to focus on,” ani coach Tim Cone.
“It’s really up to us to get through it. We have to understand how important this game is to us in terms of the standings and where we want to get to,” dagdag nito.
Nakalasap naman ang Tropang Giga ng 93-98 kabiguan sa Beermen.
Wala pang katiyakan kung maipaparada ng TNT si import Rondae Hollis-Jefferson laban sa Ginebra matapos magkaroon ng back injury sa huling 2:42 minuto ng fourth period sa kanilang 80-69 panalo sa Taipei Fubon Braves sa EASL Home and Away season noong Miyerkules sa Sta. Rosa, Laguna.
Samantala, lalapit ang Fuel Masters sa ‘twice-to-beat’ bonus sa pakikipagtuos sa Beermen.
Sumasakay ang Phoenix sa isang six-game winning streak, habang dalawang sunod na panalo ang itinagay ng San Miguel.
Huling biniktima ng Fuel Masters ang Batang Pier, 113-104 tampok ang 38 points at 19 rebounds ni import Johnathan Williams.